Notes by A.M. Ociones
Migrante Saudi Arabia
Tulad ng dati, mukhang guilty na naman ang Konsulada sa kasong pagpapabaya sa mga kababayang in-distress. Isang halimbawa nito ang kaso ni Marie/Ana, isang biktima ng panggagahasa na hindi naipa-medical hanggang noong Dec. 30 gayong dumating sya sa Welfare Center noon pang Dec. 25 (inaalam pa kung naipa-medical na sya ngayon).
Idagdag pa rito ang kaso ni Aya.
Si Laura "Aya" Torres ay kasalukuyang nasa ika-7 buwan ng pagbubuntis at kasalukuyang naka-detine hanggang ngayon sa deportation ng Jeddah. Kung tutuusin, madali sanang maiayos ang kanyang release o "deportation" dahil sa kanyang kalagayan (humanitarian reason kumbaga) pero hindi ito ang nangyari.
Ang totoo, hinuli rin kasabay ni Aya ang isang mag-ina - runaway ang babae at iilang buwan pa lang ang sanggol - ngunit hindi na nagtagal sa detention at nai-deport din kaagad pauwi sa Pilipinas dahil sa humanitarian reason.
Inaresto si Aya ng Immigration Police noong Nobyembre 2007 nang i-raid ang kanilang tinitirhan dahil diumano sa report na mayroong mga mag-asawa doon na may pekeng marriage contract. Nang magbulatlat ang mga pulis, napansin na hindi nagtutugma ang pangalan sa iqama (residential working permit) at identification papers na ipinakita ni Aya kaya kinasuhan ng falsification of documents. Dahil kakaiba ang kaso, hindi sya agad nakasabay sa mga pinauwi.
Pero naayos naman kaagad ang kaso nya sa Immigration, na-delay nga lang ang processing ng papeles nang magsimula ang opisyal na holiday humigit-kumulang 7-araw bago ang Eid Al-Adha mula Dec. 18 hanggang Dec. 23.
Matapos ang holiday, naayos din sa wakas ang papeles nya sa Immigration kaya pwede na daw syang ipa-deport. Ang problema, suspendido naman ang serbisyo ng Konsulada dahil sa mahabang holiday kaya hindi sya mabigyan-bigyan ng travel document para makauwi sana bago man lang mag-New Year.
Ayon sa direktiba ni Ambassador Antonio Villamor, suspendido ang mga transaksyon sa Embahada at Konsulada mula Dec. 15 hanggang Jan. 1 maliban na lamang sa mga sumusunod na araw: Dec 26, 27 at 29.
Payag na akong kauna-unawa ito dahil official holiday sa Pilipinas ang mga petsang Dec. 24-25 (Pasko), Dec. 30 (Rizal Day) at Dec 31-Jan 1 (Bagong Taon).
Gayunman ayon nga sa isang news report, patuloy dapat na aako ng mga emergency cases ang mga opisyal ng konsulada sa panahong walang pasok. Dahil buntis, pwede sanang ikunsidera na emergency case ang kaso ni Aya, pero hindi nga ito ginawa.
Sa ulat ng Welfare Committee ng Migrante Jeddah, hawak na raw ng Konsulada ang passport ni Aya kaya madali nang ayusin kung tutuusin (kumpara sa mga kaso na walang passport na kailangan pang mag-type ng travel document, etc). Kung gayon, hindi mauubos ang dalawa at kalahating araw na bukas ang consular office para maasikaso ang pag-uwi ni Aya pero hindi nga din ito ang nangyari.
Gusto kong unawain na busy ang mga tauhan ng Konsulada ng Jeddah dahil sa mga magkakapatong na dahilan: una, ang pagbuhos ng mga kababayan na nag-Hajj; ang panunumpa, pag-upo at siguro'y adjustment ng bagong katatalagang Consul-General Ezzedin Tago; at ikatlo, ang magkasunod na pagdiriwang ng Eid-Al-Adha at Pasko.
Pero sabi ko nga, hindi naman siguro napakahirap at hindi uubos ng nakaparaming oras ang kinakailangang hakbang para makauwi si Aya.
Pwera na lang siguro kung hihintayin pa natin na manganib ang buhay ng sanggol sa sinapupunan ni Aya dahil sa mahirap na kalagayan sa loob ng detention.
Thursday, January 3, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment