Mensahe ng Pakikiisa
sa Pagbubuo ngKapatiran sa Gitnang Silangan (KGS-Migrante)
Al Jouf (KSA) Chapter
13 March 2008
Malugod na binabati ng Migrante Saudi Arabia ang mga kasama sa Al Jouf sa kanilang paninindigan na itatag ang balangay ng Kapatiran sa Gitnang Silangan (KGS), alinsunod sa mga prinsipyo, patakaran at paninindigan ng Migrante International ngayong 14 ng Marso, 2008.
Ang kalagayan ng migrante sa Gitnang Silangan ay taliwas sa ipinangangalandakan ng nangingibabaw na sistemang panlipunan sa Pilipinas: hindi ito sayaw sa gitna malakas ng ulan, hindi ito pagtuntong sa alapaap ng pangarap.
Bagkus, ang mga migranteng manggagawang Pilipino ay nahaharap sa matitinding porma ng pagsasamantala at pang-aapi. Naririyan ang mababang pasahod, mahabang oras ng pagtatrabaho, kawalan ng benepisyo, mga paglabag kundi man tahasang pagbabalewala sa umiiral na kontrata, pang-aabusong berbal at sekswal at diskriminasyon.
Walang inaasahan ang ating hanay kundi ang sariling pagsisikap upang maitaas ang abang kalagayan.
Sa harap ng mahigpit na sitwasyong panlipunan sa ating bansang kinalalagyan, kailangan ang pagiging mapanlikha sa paglulunsad ng mga aktibidad upang maipagtanggol ang ating interes, mapalawak ang hanay at makapagpaliwanag ng ating pagkakaisa at paninindigan.
Kailangan din ang maagap at mahigpit na pag-uugnay ng mga sitwasyon sa mga usaping kinakaharap sa homefront, o sa bansang Pilipinas. Halimbawa nito ang usapin ng pagpapauwi sa mga ‘stranded’ nating kababayan na ikinakawing natin sa masahol na pagpapabaya ng gobyernong Arroyo sa interes nating mga OFW, at sa mas malawak na pagpapalayas sa kanya sa MalacaƱang.
Ang pagkakabuo ng KGS-Migrante Al Jouf (KSA) Chapter kung gayon, ay isang malinaw na hakbang sa pagsulong.
Ang KGS-Migrante Al Jouf (KSA) Chapter ay dagdag na haligi sa lumalawak at lumalalim na hanay ng mga Pilipino sa Saudi Arabia na naninindigan para sa pagsusulong at pakikipaglaban para sa interes ng ating sektor!
Kaya’t mula sa mga organisasyon at indibidwal na kasapi ng Migrante sa iba’t-ibang panig ng Saudi Arabia, ipinapaabot namin ang malugod naming pakikipagkaisa!
Magkaisa at sumulong!
Ipaglaban ang karapatan, kabuhayan at kagalingan ng migranteng Pilipino!
Reference:
A.M. Ociones, Chairperson - Migrante Saudi Arabia
Tel. No.: +966-56-679-3202
Email: migrante_ksa@yahoo.com
No comments:
Post a Comment