Tuesday, September 30, 2008

Mensahe mula sa Hong Kong

Mensahe ng Pakikiisa
sa Ikalawang Pangkalahatang Asembliya
ng MIGRANTE-KSA

Mainit na pagbati sa lahat.

Nakiisa ang United Filipinos in Hong Kong (UNIFIL-MIGRANTE-HK) sa buong kasapian, sa lahat ng mga organisasyon, grupo at advocates na nakibahagi sa inyong pangalawang pangkalahatang asembliya.

Sa kasaysayan ng migrasyong Pilipino, ang KSA ang isa sa pinaka-unang bansa kung saan dumagsa ang mga kababayan natin na itinulak magngibang-bayan ng papalalang krisis at kahirapan sa bansa. Hanggang sa ngayon, ang KSA ang pangunahin pa ring destinasyon ng mga OFWs.

Ngunit mas mahalaga, ang KSA din ang isa sa mga unang bansa kung saan nagbuo ng organisasyon ang ating mga kababayan para sa karapatan at kagalingan ng migrante at pamilya. Sa kabila ng mabibigat na limitasyon at restriksyon, hindi nagpatinag ang mga aktibistang migrante at lubusang sinuong ang hamon sa pagtataguyod ng progresibong kilusan ng mga Pilipino sa ibayong dagat.

Saludo kami sa inyong pagpapatuloy ng gawaing ito.

Talamak ang problema ng mga migrante sa KSA. Hindi lamang iilan na sa ating mga kababayan ang nabiktima ng sari-saring mga pang-aabuso at pagsasamantala habang patuloy namang nagiging inutil ang gobyerno natin at mga kinatawan nila dyan para ipagtanggol ang mga migrante.

Sa kabila ng mga atake ng gobyernong Arroyo, hindi kayo nagpatinag na lantarang kundenahin at papanagutin ang gobyernong Arroyo sa kanyang malupit na mga patakaran at kapabayaan sa mga migranteng Pilipino.

Sa kasakukuyan, nagtutulak na naman ang gobyernong Arroyo ng isang programa na kanyang pagkakakitaan, nais nitong magpatupad ng pschological test upang maging fit to work daw ang mga OFWs. Bahagi pa rin ito ng todo-largang pagluluwas ng lakas-paggawa ng mga Pilipino na ipagmamayabang tiyak ng gobyerno sa nalalapit na Second Global Forum on Migration and Development (GFMD).

Patuloy na lumalala ang kalagayan ng mga migrante, Inaasahan namin na ang buong kasapian ng MIGRANTE KSA ay mananatiling malakas at magkakamit ng mga tagumpay sa mga laban na inyong isusulong.

Kasama ng iba pang mga OFWs , patuloy tayong manindigan para sa tunay na interes, karapatan at proteksyon ng bawat migranteng Pilipino.

Mabuhay kayong lahat!
Mabuhay ang Sambayanang Pilipino


United Filipinos in Hong Kong (UNIFIL-MIGRANTE-HK), Migrante Sectoral Party – HK, Gabriela Women’s Party – HK, Association of Concerned Filipinos, Association of Filpino Women Migrants, Filipino Migrants Association, Friends of Bethune House, Filipino Friends, Pinatud a Saleng ti Umili

No comments: