Saturday, September 27, 2008

Mensahe mula sa Migrante International

ISANG maalab na pagbati sa ating mga kapatid sa Migrante Saudi Arabia sa kanilang ikalawang kongreso.

Hindi matutumbasan ng papuri ang ginagawa ng ating mga kapatid dito sa gitnang silangan kung ang pag-uusapan din lang ay pagtulong sa kapwa migrante.

Kami dito sa National Office ay humahanga sa katapangan at katatagan ng ating mga kasama na gumampan ng karampatang serbisyo para sa ating mga kababayan, itinataya pati kanilang hanap buhay masagip lang ang isang kababayan na nanganganib ang buhay o puri.

Hindi miminsang sila ay sumusugod sa Embahada ng Pilipinas sa Kingdom of Saudi Arabia upang ipaggiitan ang karapatan at kagalingan ng migranteng nangangailangan ng tulong.

Hindi miminsang sila ay naparatangang gumagawa lamang ng istorya at ang kanilang sinasabi sa mga pahayagan ay kasinungalingan.

Habang iginigiit nila ang mga karapatan ng mga migrante sa KSA; tuloy-tuloy silang tumutuligsa at tumututol ng mga panukala ng gobyerno ni Gloria Macapagal Arroyo na mapanupil at mapagsamantala.

Kaya sa pagkakataong ito, hayaan niyo kaming magbigay ng mataas na pagpupugay at pasasalamat sa mga kinatawan at kasapi ng Kapatiran ng Gitnang Silangan.

Kayo ay mga tunay at tapat na mga anak ng bayan!


MABUHAY KAYONG LAHAT!


Migrante International
Executive Committee

27 September 2008

No comments: