Saturday, October 25, 2008

Pagpupugay sa Migrante Ras Al Khaimah (UAE)

Magkaisa at Sumulong!
Mensahe ng Pagpupugay at Pakikiisa
sa Asembliya ng Pagtatatag ng Migrante – Ras Al Khaima (UAE)
23 Oktubre 2008

Ipinapaabot ng Migrante Kingdom of Saudi Arabia Chapter ang aming malugod na pagpupugay at pakikiisa sa inyong paninindigan na itatag ang balangay ng Migrante International sa Ras Al Khaimah, United Arab Emirates (UAE) sa 30-31 Oktubre 2008.

Hindi na talaga matatawaran ang kontribusyon ng OFWs sa lipunang Pilipino. Mismong ang gobyerno na ang umaamin na 10% na ng gross domestic product, ang kabuuang halagang nalilikha ng lipunan, ang mula sa perang padala ng migrante. Sinasabi ngang aabot na sa 40% ng populasyon sa bansa ang umaasa sa kinikita ng higit sa 8 milyong OFW na nakakalat sa 162 bansa.

Ngunit ito lang ang magandang mukha ng migrasyon. Ang kabilang mukha nito ay ang mahihirap na sitwasyong sinusuong ng isang migrante upang makapagpadala ng dolyares: patuloy na binubusabos na pasahod; mahabang oras ng pagtatrabaho; hindi makatwirang mga kaltas; atbp. Idagdag pa rito ang pagturing na parang alipin na nagbubunsod ng mga hindi makataong patakaran, katulad ng crackdown, visa trade, at mas malala, human trafficking at prostitusyon.

Mula sa pawis at dugo ng migranteng manggagawa, ang kung anu-ano pang porma ng pagkatas ng kita, hindi lang ng employer, bagkus pati mga recruitment at travel agency, bangko at mismong ng ating pamahalaan sa porma ng iba’t-ibang bayarin.

Sinusuong ng migrante ang kalungkutan ng mawalay sa pamilya ngunit ang kapalit nito ay kawalan ng serbisyo at benepisyo, kriminal na pagpapabaya ng pamahalaan, at dagdag na mga pasanin at singilin.

Ngunit may pag-asa pa. Ilang ulit nang pinatunayan na sa pagkakaisa at pagkilos ng migrante ay makakamit ang mga pagbabago at maisusulong, mapoprotektahan at maipagtatanggol ang ating mga karapatan, kapakanan at interes.

Nasaksihan natin na sa sama-samang pagkilos, natugunan ang problemang kinakaharap ng libu-libong stranded sa UAE dahil sa biglaang pagpapataw ng patakaran sa visa; maging ang pagtatanggol sa karapatan ng mga manggagawa sa Princess House sa Dubai.

Sa ganitong sitwasyon, wala tayong aasahan kundi ang ating sariling lakas. Ang pagbubuo ng isang bagong balangay ng Migrante International sa inyong lokalidad ay pangunang hakbang tungo sa pagsusulong ng interes, kapakanan at kagalingan ng OFWs.
Magkaisa at sumulong!
Ipaglaban ang sahod, karapatan, kabuhayan at kagalingan ng migranteng Pilipino!


Reference:

A. M. Ociones
Chairperson, Migrante KSA
(Migrante International - Kingdom of Saudi Arabia Chapter)
Tel. No.: +966-56-679- 3202
Email: migrante_ksa@ yahoo.com
URL: http://migrante- ksa.blogspot. com

No comments: