Sunday, November 22, 2009

Desisyon ng COMELEC, kinondena ng Migrante Al Khobar

Mariin naming kinokondena ang pinal na desisyon ng COMELEC na nagbasura sa paglahok ng Migrante Sectoral Partylist sa halalang 2010. Ito ay tuwirang pagkitil sa sagradong karapatang marinig sa konggreso ang mga lehitimong hinaing ng sektor OFW.

Ang hindi makatarungan hakbang na ito ng COMELEC sa pangunguna ni Chairman Jose Melo ay nagpapatunay lamang na ang komisyong nabanggit ay pugad ng mga asong-ulol na minamaniobra ni GMA. Tuluyan nang sinelyuhan ang haka‐haka at pagdududa ng bayan na ang COMELEC ay isang malawak at organisdadong makinarya ng pandaraya at pagmamanipula kung saan sunud‐sunuran lamang ito sa dikta at kapritso Malakanyang!

Ang iskemang ito ay ganti ng mga buwitre at magnanakaw sa pamahalaan sapagkat ang Migrante International ay patuloy na naninidigan laban sa pagsasamantala, kurapsiyon, pandaraya, inhustisya, paglabag sa karapatang‐pantao at sa pangunguna nito sa pagbatikos sa pamahalaang nagpapabaya sa interes ng sektor na aming kinabibilangan.

Si Chairman Jose Melo, sampu ng kanyang mga kasapakat ay walang puwang para pamunuan ang institusyong dapat sana’y kanlungan ng Demokrasya at Kalayaan. Ang COMELEC na matagal ng sadlak sa katiwalian at kontrobersiya ay lalo pang naluom sa hindi mawaring kahihiyan sapagkat nagmistula itong berdugo ng putulin nila ang natitirang hibla na magbibigay daan para magkaroon ng lehitimong reperesentasyon ang mga Migranteng Pilipino sa kongreso.

Nararapat lamang na magbitiw at patalsikin sa puwesto si Chairman Jose Melo at mga kasabwat nito sapagkat sila ay imahe ng napipintong malawakang pandaraya at pagmanipula sa resulta ng halalan 2010.

(SGD.) John Torres
Spokesperson
Migrante Sectoral Partylist
Eastern Region, KSA
Email: john_torresrt@yahoo.com.ph

No comments: