Pahayag sa Media
2 Agosto 2010
Migrante kay P-Noy: Walang mahirap kung walang nagpapahirap
Tutulan ang compulsory membership ng mga OFWs sa PAG-IBIG!
Nakabatay sa makaturungan at rasonableng dahilan ang pagtutol ng Migrante at ng OFWs at kanilang pamilya sa sapilitang pagpapasapi ng mga OFWs sa PAG-IBIG.
Una, matagal ng may housing loan facility program ang Home Development Mutual Fund o kilala sa tawag na PAG-IBIG, para sa mga OFWs. Ito ay optional. Ibig sabihin, nasa desisyon ng OFW at ng kanyang pamilya kung gusto nitong mag-avail ng nasabing housing loan. Nasa desisyon ng OFW at ng kanyang pamilya kung ito ba ay praktikal, mas makakatipid at mas magaan sa bulsa na nakabatay sa kung anuman ang prayoridad ng pamilya. Marami sa mga OFWs ang nagsisikap sa paunti-unting ipon nakakapagtayo ng bahay sa kanilang mga probinsya.
Sa paglabas ng POEA Memorandum No.06, Series of 2010 nitong 1 Agosto lamang, iniutos ang sapilitang pagpapasapi sa mga OFWs sa PAG-IBIG, inalis nito ang karapatang mamili kung ano ang mas angkop base sa pangangailangan ng pamilyang OFW. Akala ba namin ay demokrasya? Demokrasya ba itong walang malaganap na kunsultasyon tapos pipilitin kami?
Pangalawa, sapilitan nga ito dahil sa ikinabit ang bayarin sa pagkuha ng Overseas Employment Certificate or OEC. Kailangan ang OEC, sa katunayan resibo ito kung ano ang mga kaakibat na bayarin at siningil ng gubyerno sa OFWs, para makaalis ang OFW papunta sa bansang destinasyon para ‘magbanat ng buto’.
Kung walang OEC, ibig sabihin kung hindi ka nagbayad ng P1,164 OWWA membership, P900 Philheath, at P100 para sa processing fee at idinagdag na ang P600 para sa paunang 6 buwan PAG-IBIG coverage, hindi makakalis ng bansa ang OFW para magtrabaho sa ibang bansa. Hindi ba ito paglabag sa karapatan namin na mabuhay at maghanap buhay? Ginagawa na kaming parang bagay na pinagtutubuan at pinagkakakitaan. Tao kami hindi kalakal na pinapatungan ng mga buwis o taripa sa porma ng mga sapilitang fees.
Pangatlo, ang compulsory coverage sa PAG-IBIG ay maituturing na buwis na dagdag pahirap lamang sa mga OFWs sa kabila ng marami nang mga singilin at bayarin na ipinitaw ang gubyerno, sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Lumalabas na dagdag na buwis ito dahil sa ginawa itong compulsory at di-makatuwirang ikinabit sa pagkuha ng OEC.
Pang-apat, may alinlangan tayo sa patakarang compulsory coverage ng OFWs sa PAG-IBIG dahil sa batbat ng alegasyon ng kurapsyon at misuses at mis-alokasyon ng pundo ang PAG-IBIG. Hindi naman basta-basta na ipapa-ubaya natin ang ating pinaghirapan sa mga kamay lang ng kung sinung kurap na opisyal ng PAG-IBIG. Silang mga opisyal ng PAG-IBIG na nagpapasasa sa ating kontribusyon na tumatanggap ng malalaking sahod at sobrang benepisyo. Walang kasegurauhan na bumalik sa atin ang ating perang pinaghirapan! Sabi nga ng marami pagnag-loan ka, ikaw pa ngayon ang nagka-utang eh samantalang kontribusyon mo ito. Di ba’t pag-gisa nga ito sa sariling mantika, wika nga.
Sa hirap ng buhay sa ngayon, dapat maging wais na tayo!
Wais tayo dahil sama-sama nating tututulan ang anumang dagdag na bayarin na pilit sinisingil sa atin ng gubyerno, sa kabila ng salat o wala namang mainam na serbisyo at program para sa ating mga OFWs at pamilya.
Wais na ang OFWs na nagsasabing “Walang mahirap kung walang nagpapahirap!”
Tutulan ang compulsory coverage ng mga OFWs sa PAG-IBIG!
Tutulan ang dagdag na singil sa Pasaporte!
Tutulan ang mga di makatarungan bayarin at singilin na ipinapataw ng gubyerno sa OFWs !
Serbisyo hindi perwisyo!
-Migrante-Middle East at mga kasaping balangay nito
2 Agosto 2010
Reference:
John Leonard Monterona
Migrante-Middle East regional coordinator
Mobile No. 00966 564 978012
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment