Saturday, December 1, 2007

No Remit Days

Ang sumusunod ay pahayag ng Migrants Association in Saudi Arabia (MASA), isa sa mga kasaping organisasyon ng Migrante Saudi Arabia.


Ipaglaban ang Kabuhayan ng Migranteng Pilipino!
No Remit sa a-1 hanggang a-5 ng bawat buwan!


Laging sinasabi ng gobyerno na gumaganda ang ekonomiya ng Pilipinas. Patunay daw nito ang pagtaas ng reserbang dolyar ng bansa, pagliit ng depisit sa kalakalan (trade) at badyet; pagbalik ng tiwala ng mga investor sa ekonomiya at higit sa lahat, ang patuloy na pagtaas ng halaga ng piso kontra dolyar.

Noong 2006, ang palitan ng dolyar sa piso ay naglalaro sa P56 hanggang P48. Ngayong 2007, tumaas pa ito hanggang umabot sa kasalukuyang palitan na P44.00 (28 Okt 2007). Sa tantya mismo ng gobyerno, aabot pa daw ito ng P40 hanggang mag-Disyembre.

Mismong si GMA din ang laging nagsasabi na ang pagganda ng ekonomya ay dahil sa remittance ng mga OFW na umabot na ng $12.8 bilyong dolyar noong 2006 at $9.3B na ngayong Agosto pa lamang, ang pinakamataas sa kasaysayan.

Tulad ng dati, ang mga OFW na naman ang bayani. Pero bakit nalulubog at nahihirapan ngayon ang mga OFW?

Krisis ng Overseas Filipino Workers (OFW)

Sa Saudi, ang palit ng 1000 riyal ay P15,000 noong 2006 pero ngayon ay P11,784 na lang (1SAR=PhP11.7841). Ibig sabihin 8% hanggang 21% agad ang nawala sa kita dahil hindi naman nadadagdagan ang sahod ng bawat Pinoy sa Saudi Arabia.

Idagdag pa dito ang tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, sunod-sunod na pagtaas ng produktong petrolyo, pagtaas ng matrikula, pamasahe at serbisyong pangkalusugan, maging bayarin sa koryente-tubig.

Ayon sa Ibon Foundation, P560 bawat araw (o P680 kung nasa Metro Manila) ang kailangan ng isang pamilya na may 6 katao noong Abril 2007. Ibig sabihin, ang bawat isang OFW ay kailangang magpadala ng P20,400 bawat buwan (o $443) para mabuhay ng sapat ang kanyang pamilya (kumpara sa P18,494 nong 2005, at P19,969.00 noong 2006).

Ngunit ang karaniwang kita ng skilled worker sa Saudi Arabia ay $400 lang kada buwan at $260 naman sa service sector. Sa pagliit ng halaga ng dolyar kontra piso, kailangang magdagdag ng ipapadala ang OFW para makuha ang dating badyet ng kaniyang pamilya.

Pero ang sahod ng OFW sa Saudi ay hindi naman nadadagdagan at tumataas din ang bilihin, dito kaya paano pa nga ba magkakasya ang kita ng OFW?

Remittance: Pang-salba o Pang-lunod

Dahil laging sinasabi na ang remittance ang dahilan ng paglobo ng halaga ng piso kontra dolyar, maaaring mapigilan ito kapag nabawasan ang kabuuang padala sa Pilipinas. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagtatakda ng ilang araw na hindi magpapadala (No Remit Days), at pag-iwas sa mga bangko at remmitance center.

Gayunman, upang magtagumpay ang ganitong klaseng kampanya, kinakailangan ang mahigpit na koordinasyon at pinakamalawak na partisipasyon ng pinakamaraming OFW.

Kinakailangan din na gawin ito nang sustinido (ibig sabihin, gawin ng regular sa mga susunod na ilang buwan) upang ganap na maramdaman ang epekto sa palitan ng piso kontra dolyar.

Hinihingi din ng sitwasyon ang sakripisyo sa mga kapamilya kaya't mahalaga na maunawaan ng pamilya ng bawat OFW kung bakit made-delay ang pagpapadala.

Migrante, Magkaisa!
Ipaglaban ang Kabuhayan, Kagalingan at Karapatan ng OFW!
No Remit sa a-1 hanggang a-5 ng bawat buwan.


Migrants Association in Saudi Arabia (MASA)
Oktubre 2007


Para sa mga katanungan, mungkahi o reaksyon, mag-email sa ksa.masa@yahoo.com

1 comment:

reyna elena said...

Yaan mo, publish naten! Sama ako dito kabayan!!!

www.reynaelena.com