Friday, February 19, 2010

Ang sigaw ng OFWs:

Ang sigaw ng OFWs:
Satur Ocampo, Liza Maza sa Senado!
Gabriela Womens Party sa Konggreso!

Pahayag ng Pagsuporta ng Migrante Jeddah
19 Pebrero 2010


Napapanahon ang pagpapatakbo sa Senado ng mga progresibong kandidato nating sina Satur Ocampo at Liza Maza sa panahon ng matinding krisis na pang-ekonomiya at pampulitika na puminsala sa marami nating kababayan, hindi lang sa Pilipinas, kundi tayong mga migrante na nasa ibang bansa. Dito sa Saudi Arabia, ang malawakang pagliit ng kita dahil sa pambubusabos sa pasahod kakambal ng tumitinding implasyon ay may kaakibat na epekto sa ating mga mahal sa buhay na naiwan sa Pilipinas. Idagdag pa rito ang lumalawak at tumitinding mga kaso ng pang-aabuso at pagtratong alipin sa mga kababayan nating migrante. Nitong buling dalawang buwan lang, nakita natin ang aabot na sa 600 kababayan nating tumakas mula sa iba't-ibang porma ng pang-aabuso na lumantad at naghangad na makauwi. Ito ang mga obhetibong kalagayan na inuusbungan ng ating paglahok sa kampanyang elektoral.

Gayundin naman, ang pagtakbo ng ating mga progresibong kandidatong sina Satur Ocampo at Liza Maza ay indikasyon ng malawak at malalim na inabot ng pakikibaka ng sambayanan para sa kanilang mga demokratikong karapatan, at para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Si Satur Ocampo ay isa sa mga pinaka-maaasahan nating progresibong lider na walang humpay sa lumaban sa diktadurang Marcos, naging matatag na sumandig sa kapakanan ng sambayanan kahit sa panahon ng detensyon at pagkakakulong at naging matibay na beacon sa harap ng panananalakay sa mga demokratikong interes at karapatan ng mamamayan sa ilalim ng iba't-ibang nagharing rehimen.

Si Liza Maza ay matibay na sandigan ng mga kababaihan at ng sambayanan bilang lider ng Gabriela sa matagal na panahon. Bilang Kongresista, laging kaagapay si Liza ng mga migrante sa pagsusulong ng mga partikular na panawagan para sa kapakanan ng mga tinaguriang Bagong Bayani.

Ang totoo, kung kasama pa natin si Ka Bel ngayon, sigurado ako, itataguyod din natin sya sa Senado.

Dahil sila, si Satur Ocampo at Liza Maza ~ ang mga lider ng sambayanan na hindi natin matatawaran sa paninindigan at paglilingkod para sa interes ng sambayanang Pilipino.

Kahit hindi pinayagan ng COMELEC ang paglahok ng ating Partylist sa eleksyong ito, tayo bilang mga OFWs ay may napakalaking fayda kung pagwawagi ng ating dalawang kandidato. Sa pagkakaroon ng dalawang natatanging progresibong lider sa Senado, ang ating mga hinaing at mga panawagan ay higit na may lakas

Kung gayon, idinedeklara ng Migrante Jeddah sampu ng kanyang mga kasapi at kapatid nitong organisasyon dito sa Kanlurang Rehiyon ng Saudi Arabia ang ating pagsuporta sa pagtakbo nina Satur Ocampo at Liza Maza.

Ang sigaw ng OFWs:
Satur Ocampo, Liza Maza sa Senado!
Gabriela Womens Party sa Konggreso!

No comments: