Thursday, February 18, 2010

Pag-Endorso ng Migrante-KSA

SA MGA KANDIDATO NG KOALISYONG MAKABAYAN
SATUR and LIZA sa SENADO at GABRIELA WOMENS PARTYLIST sa KONGRESO

12 Pebrero 2010

Pagpugay sa Masa at Sambayanan!

Ito na ang tamang panahon para manindigan ang bawat mamamayang biktima ng pulitikang luom sa dayaan, manipulasyon at kabulukan. Hinog na ang pagkakataon para ating isa-tinig ang marubdob na pagnasang hanguin ang bayang sadlak sa kabiguan at hindi malirip na kurapsiyon. Ito na ang oras para iluklok sa pwesto ang mga indibidwal na tunay na naninindigan para sa kapakanan ng masang-api. Panahon na natin ito!

Sa ngalan ng mga kaalyado, pamilya, miyembro, opisyal at buong pamunuan ng Migrante-KSA, buong pwersa naming iniindorso ang kandidatura ni Ka Satur Ocampo at Ka Liza Maza para senador; gayundin buong puso kaming sumusuporta sa lahat na Partylist Groups sa ilalim ng Koalisyong Makabayan; mainit rin ang aming pagtugon sa panawagang iboto ang lahat na mga militante at progresibong kandidato na lalahok sa nakatakdang halalan sa Mayo ng kasalukuyang taon.

Si Ka Satur at Ka Liza Maza ay mga “institusyong” masigasig na nagtaguyod at patuloy na sumusulong sa mga batas, programa at proyektong naka-sentro sa kagalingan ng bawat Pilipino. Nanguna rin sila sa mga makabayang protesta at pagkilos na ang mithi’y mapalaya ang bayan sa dikta at interbensyon ng mga dayuhang bansa sa panloob at panlabas na pagde-desisyon ng gobyerno ng Pilipinas.

Kasabay ng hakbang na ito, amin ring hinihimok ang buong sambayanan na itakwil at ibasura ang mga kandidatong nagpapaka-tuta at nakikipagsabwatan sa rehimeng US-Arroyo. Huwag nating iboto ang mga sagad-sagaring indibidwal na nagpapakasasa sa kaban ng bayan; mga abusado at ganid na kandidatong pumatay sa esensya ng Demokrasya, Hustisya at Kalayaan; at mga kasapakat ng rehimeng ito na walang humpay nagyurak sa Saligang-Batas ng Pilipinas. Hadlangan natin ang maitim na motibo at kasulasulasok na mga balakin ni Gloria Macapagal-Arroyo at mga kapamilya nito na muling maghari at salaulain ang ating lahi.

Bagama’t hindi ito ang sapat na paraan para mabago ang landas na tinatahak ng ating bayan, maipapakita pa rin natin ang ating paghihimagsik at maipapadama ang ating pag-alsa sa pamamagitan ng balota. Huwag nating bibigyan ng pagkakataon ang administrasyong ito na muling manipulahin at dayain ang resulta ng halalan. Kinabukasan ng bayan at ng mga susunod na henerasyon ang nakataya dito. Sagrado ang ating boto, bantayan natin ito!

Umaasa kami na kayo, bilang bahagi ng malawak na bilang ng Sambayanan ay makikiisa sa krusadang ito. Laban natin ito!

MIGRANTE KSA SUPPORTS KOALISYONG MAKABAYAN sa 2010!
SATUR OCAMPO & LIZA MAZA sa SENADO!
GABRIELA WOMEN’S PARTY sa KONGRESO
OFW’s at PAMILYA TULOY ANG LABAN PARA ISULONG ANG PAMBANSANG KALAYAAN AT TUNAY NA DEMOKRASYA!


Para sa bayan,


(Sgd.) John T. Torres
Tagapagsalita, Migrante -KSA
Email: john_torresrt@yahoo.com.ph
Mobile: +966-056-0631439

(SGD.) Rodel Macalintal
Media & Campaign Officer
Email: rodelom@yahoo.com
Mobile No.: +966-055-1977512

Migrante Saudi Arabia
Migrante Partylist - KSA Chapter
Kapatiran sa Gitnang Silangan - Riyadh
Migrante Al Khobar
Migrante Jeddah
Kapatiran sa Gitnang Silangan - Dawadmi
Kapatiran sa Gitnang Silangan - Al Jouf
Samahang Manggagawa sa Saudi Arabia (MASA)
Migrante Eastern Province
Jeddah Filipino Society
Makabayan Saudi Arabia
Muslim-Christian OFW’s preparatory committee for Justice & Peace in KSA
Filipino – Community Allied Organizations in KSA

No comments: