ANAKPAWIS PARTYLIST
PRESS STATEMENT
28 Hunyo 2009
Hindi Cha-cha ni Gloria!
Kumilos sa Hunyo 30
Ayaw ng taumbayan sa cha-cha. Pero pinipilit ng mga kakampi ni Gloria ang constituent assembly na magbabago sa saligang batas sa parang iligal, unconstitutional at garapal.
Kapag binago ang konstitusyon, walang pakinabang ang mamamayan. May tatlong pangunahing layunin ang chacha ni Gloria.
- Tanggalin ang probisyon sa pambansang patrimonya – Sa utos ng mga dayuhang kapitalista, papayagan na ang 100% pagmamay-ari ng mga lupain at likas ng yaman ng Pilipinas. Manunumbalik din ang mga base militar ng US na itinaboy na ng nakikibakang sambayanan.
- Muling buhayin ang pagdedeklara ng batas militar – para supilin ang lahat ng mga kritiko ng gubyerno at mga aktibista, gagamitin nila ang kamay na bakal na magpapalala pa sa mga paglabag sa karapatang pantao gaya ng pagdukot at pamamaslang sa mga aktibista, panggigipit at pagkontrol sa midya at pulitikal na panunupil at pag-aresto sa mga kritiko.
- Palawigin ang termino Gloria lampas sa 2010 – Kahit na sukang-suka na tayo sa kabulukan ng gubyerno ni Arroyo, nangangarap pa siyang manatili sa kapangyarihan. Dahil isang termino lang maaaring manungkulan ang presidente, lulusutan ito ni Gloria sa pagtakbo bilang kongresista sa Pampanga at, sa gayon, ay maging prime minister sa isang parlyamentaryong gubyerno. Mas makapangyarihan pa ang prime minister kaysa presidente. Pag nangyari ito, matatakasan pa rin ni Gloria ang mga malalang kasong kriminal na isasampa ng taumbayan matapos syang maging presidente.
Ayaw natin sa chacha, pero nagpupumilit pa rin si Gloria. Kailangang ipakita natin sa kanya na hindi na s’ya uubra. Magsama-sama tayo muli sa isang dambuhalang protesta. Kailangang manaig muli ang tinig ng mamamayan. Kumilos sa Hunyo 30! Magtipun-tipon sa Welcome Rotonda, PGH-Taft, Plaza Salamanca-Intramuros at Arellano-Legarda, alas-3 ng hapon.
Mamamayan ang mapagpasya!
Ipaglaban ang pambansang soberanya! Wakasan ang rehimeng US-Arroyo!
Cha-Cha at Gloria, Ibasura!
Reference:
Cherry B. Clemente
Secretary General, Anakpawis
09217283859