Mabuti pa sa inyo ang mga buwaya
Kapag nabusog na’y di na naniniba
Hindi tulad ninyong mga walang kabusugan
Sa yama’t kapangyarihan
Sagpang pa rin ng sagpang sa naghihingalong bayan
Mabuti pa sa inyo ang mga baboy
Nananaba sa tira- tirang pagkain
Ng kung kaninumang hapag-kainan
Hindi tulad ninyong nabubundat, nagpapakasasa
Sa kabang yaman ng bayan
Mabuti pa sa inyo ang mga unggoy
Marunong magtakip ng mukha, marunong mahiya
Hindi tulad ninyo na sobrang garapal, mukha’y makakapal
Bistado na’t lahat ayaw pa ring paawat
Ang baya’y harap-harapang ninanakawan
Mabuti pa sa inyo ang mga aso
Marunong kumilala’t magserbisyo
Sa taong sa kanya’y nagpapakai’t bumubuhay
Hindi tulad ninyong matapos palamuni’t payamanin
Naming nga migrante at sambayanang Pilipino
Kami pa ang inyong ipinagkakanulo, ipinapahamak at pinapaslang.
Sige! Kayo’y humahalakhak!
At magpakalasing sa tuwa at galak sa inyong maitim na balak
Dahil habang sa cha-cha kayo’y umiindak
Nagmamartsa ang bayang sa inyo’y magbabagsak.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment