Tuesday, March 10, 2009

BAYANI NG MAKABAGONG PANAHON

BAYANI NG MAKABAGONG PANAHON
Ni: Marcial Gonzales Abay Jr.

Di na natin makikita ang mga dati’y magagandang tanawin,
Maging sa lungsod hanggang sa mga lalawigan natin,
Pati kalinisan sa dagat at papawirin ay wala na rin,
Kabundukan at luntiang palayan ay naglaho na din.

Dating busilak na puso ng mga tao ay nagiging itim.
Naging masama at nawala ang pagiging madasalin.
Sa kapangyarihan at salapi ay maraming naging sakim.
Ang kinang ng ginto’t pilak ang sa kanya ay umaalipin.

Asan na mga kababaihan natin na tulad ni Maria Clara?
Bakit napalitan na ng imahe ni Maria Magdalena?
Dito sa sariling bayan lalong-lalo na sa bansa ng iba,
Nakakalungkot tignan, isipin natin kung bakit nagkaganun sila.

Asan na ang mga matitikas at masisipag nating kalalakihan?
Bakit katauhan ni Juan tamad ang makikita sa karamihan,
Asawang babae ang naghanapbuhay, lalaki’y nakatiwangwang,
Mga anak binayaan,nangibang bayan upang kahirapan ay maibsan.

Nasaan ka na butihing ama, na sa mga anak ay kumakalinga dapat,
Bakit dangal ng iyong mga anak at kinabukasan nila ay iyong winasak?
Asan ka tanging ina bakit iniwan mo mga supling niyo na umiiyak,
Dayuhang bata’y pinatatahan mo, luha nila’y ayaw mong pumatak.

Asan ka anak, na dapat gumigiya sa mga magulang na mahina na?
Bakit pinababayaan mo sila at halos ipagtatuwa mo pa sila.
Hindi mo ba naaalala nung maliit ka pa ni lamok ayaw padapuan ka,
Kapag nagdadalamhati ka, lagi silang nasa tabi mo’t dinadamayan ka.

Mga mamamayan nahan ka na din at bakit wala kang pakialam?
Pagpili ng mga lider bakit hindi mo pinaghusayan at pinagisipan.
Ninakaw ang karapatan, talino, at maging ang iyong kayamanan,
Bakit di ka magsalita, di makarinig o sadyang nagbubulag-bulagan?

Mga nasa gobyerno na dapat magsilbi sa tao ng maayos ay nahan?
Bakit napalitan ng mga magnanakaw at sinungaling ang karamihan?
Makaupo lamang sa puwesto ay handa na silang magpatayan,
Interes na pansarili at di paglilingkod ng tapat sa bayan ang nasa isipan.

Nasaan na din ang ipinagmamalaki nating mga Pilipino na “bayanihan”.
Bakit away at gulo ang pumalit hanggang humantong na sa patayan?
Luzon, Visayas at Mindanao pawing sigalot at barilan ang mababalitaan,
Mga kapatid na Pilipino’y pinapatay dahil sa idelohiyang pinaglalaban.

Nasaan na ang mga bayani na dapat ay siyang tagapagligtas natin?
Tagasalba sa mga oras na tayo inaabuso ng iba at ginagawang alipin,
Bakit ang tagasalba ngayong panahon ay tagapagsilbi na sa ibang lupain.
Kami ay yaong mga OFW’s na tinawag na bayani ang tunay na alipin.

Nasaan na rin tayo na sa wari ko’y nagiging mangmang at bobo?
Bakit nagpapaalipin, tinutulungan umasenso ang bansa ng mga Arabo?
Samantalang kelangan tayo ng ating bansa para umunlad ang lahing Pilipino. Ahh! Mabuti pa tuldukan ko na ito...

At masakit na rin pati ang ulo ko!

No comments: