KABAYAN, PAALALA
Tula ni Miriam Tampos
Riyadh, 2009
Dala ng kahirapan, kaya nangibang bansa
May pangarap tayo, at inaadhika
Iniwan ang bansang Pinas, sa hangaring sumagana
Na ang sariling bayan natin, walang kaya at magawa.
Nang napadpad tayo dito, sa Bansang Arabo
Sa PDOS pa lang, aral na tayo
Marami silang Do’s and Dont’s, na ipinapanuto
Di dapat ipagsawalang bahala, nating mga Pilipino.
May samot’ saring daing, tayong mga OFW
May di tamang pasahod, maging pagmamaltrato
Malimit ngang biktima, kababaihan sa bahay nagtatrabaho
Kung hindi nagahasa, ginugutom ng Amo.
Ang tanong ko lang kabayan, sino ang iyong sandigan
Bago ka ba umalis, may baon ka bang Dasal
Pagtuntong mo ba dito, tumingala ka man lang
Panginoon andito na po ako, patnubay Mo’y kailangan.
At kung may pagsubok, sinong una mong tinatawagan
Kapag sakaling nalamang, anak o asawa’y may malubhang karamdaman
Si Inay ba o Itay na iyong pinagbilinan
Di ba’t dapat ang AMA, sa taas ng Kalangitan.
Kapag sa iyong hanapbuhay, may sularining nasagupa
May naiingit sa iyo’t, sa kompanya’y sinisira
Dapat ka bang gumanti, sa taong sa iyo’y gumawa
O ipanalangin siyang, magtino ang diwa.
Kung sakali man, sa iyo ngang mga lumbay
Buong panatag mong, sa KANYA’Y ibinibigay
Ngunit paano, kapag tinatamasa’y tagumpay
Ibinabalik mo ba sa KANYA, ang pagpupuri at wagayway?
Ito’y paaalala, sa ating lahat
May mabisang sandata, SIYA’Y abot kamay
Nakalaan SIYANG makinig, kung tatawag ka
Naghihintay lagi na, maalala mo SIYA!
No comments:
Post a Comment