BAYANING ALIPIN 3
Ni: Marcial Gonzales Abay Jr,
Pilipinas! Ang ating bansang sinilangan, ang ating tahanan.
Ang sarap mabuhay dito, malaya, sagana sa kalikasan.
Ngunit bakit andito tayo sa mainit at malayong bayan?
Parang busabos na alipin ng ibang lahi kung ituring at utusan.
Habang ang gobyerno natin ay naghihikayat ng mga dayuhan,
Turismo itinutulak para bansang Pilipinas ay puntahan,
Tayo naman ay pinadadala sa labas para sa iba’y manilbihan.
Tama ba itong sistema o isang napakalaking katarantaduhan?
Noon tayo ay hinawakan ng ibang dayuhan sa sariling lupain,
Pilit na humulagpos, naghimagsik laban sa mga mapang-alipin.
Magmula sa mga lahing Malay, pumasok ang Espanyol sa atin,
Amerikano ang nagpalaya’t idineklara kasarinlan ng lahi natin.
Mga sakang na Hapones sumunod na sumakop sa ating bansa,
Maraming buhay ang kinitil puri’t dangal ang niyurakan nila,
Mga Amerikano’y sinagip uli tayo sa mga mapagsamantala.
Hanggang dumating ang araw, sa mga sakang tayo’y nakalaya.
Tunay nga kayang nakamit na natin ang ating independensiya?
Nakahulagpos na nga kaya tayo sa pagkakagapos sa tanikala?
Tanikalang kinandaduhan ng mga tao ng mga maling sistema,
Sistemang ginatungan pa ng mga ganid at linta sa pulitika.
O Panginoon! Kami po sana’y Iyong hanguin sa aming kinasasadlakan,
Ipadala mo po sa amin si Moses sa ibang katauhan para kami’y tulungan,
O di kaya naman isang katulad ni Rizal para gumawa ng mga kasulatan,
Na magising sana ang mga taong naging sanhi ng aming kahirapan.
Monday, March 9, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment