" TULAD NG KAWAYAN"
Kawayan sa libis ng bayan--
Ay kay gandang masilayan
Dahon mong luntian
Kay gandang pag masdan.
Katawan mong balingkinitan
Kay tayog at kay tigas man
Ikaw ay haligi ng aming tahanan
Papag na kay sarap hig'an.
Siya nga ay hindi mo pwedeng
Basta-basta na lang sasaktan
Siit niya' kay daming tinik
Kantiin mo't Tiyak ika'y matutusok.
Kapag may bagyo't-unos
Hampas ng hangin sa 'yo'y humahambalos
Yumuyuko ka lang pansamantala
Hanging nag ngingit-ngit
Pinalalampas mo lamang sa 'yong mga singit.
Kapag unos, humupa na
Hangin at ulan ay tila na
Haring Araw ay muling sisikat
Upang magbigay muli sa lahat ng liwanag.
Katawan mong saglit nabaluktot
Dahan-dahang tumatayo
At muling tatayog
Sa Haring Araw muli itong sasaludo.
Tayong mga Pinoy
Ay tulad rin ng punong kawayan
Ano mang suliranin sa buhay
Ito'y ating nalalampasan
Ang bukas ay laging may pag-asa
Sa ating mukha ay laging may saya
Diyos ay patnubay natin
Sa ating puso Siya'y naroroon din.
------------ 0-------- 0-------- -0------- ----
May akda-- Jose Enriquez Santos
KFSH&RC, Riyadh, KSA
Friday, February 27, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment